Miyerkules, Setyembre 9, 2009

V. Enerhiya


KABANATA V.
ENERHIYA
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Ang pangangasiwa ng malaking pwersa ay tulad din ng prinsipyo ng pangangasiwa ng kaunting tao: ito’y usapin lamang ng paghahati ng kanilang bilang.

2. Ang pakikipaglaban dala ang malaki mong hukbong pinamumunuan ay ni hindi naiiba sa pakikipaglaban dala ang maliit lang: ito’y usapin lamang ng pagpapagana ng sagisag at senyales.

3. Para matiyak na ang iyong buong pulutong ay makatatagal sa bigat ng pag-atake ng kaway at nanatiling hindi nayayanig – ito’y dahil sa direkta at hindi direktang maniobra.

4. Na ang epekto ng iyong hukbo ay tulad ng bato ng mulihon o kamanga na ibinangga sa itlog – ito’y dahil sa agham ng mahina at malakas na katangian.

5. Sa lahat ng labanan, ang direktang pamamaraan ay maaaring gamitin sa paglahok sa digmaan, ngunit ang indirektang pamamaraan ay kinakailangan upang tiyakin ang tagumpay.

6. Ang mga taktikang indirekta, na mahusay na ginamit, ay di masasagad tulad ng Langit at Lupa, walang katapusan tulad ng agos ng mga ilog at batis; tulad ng araw at buwan, sila’y nawawala upang magsimula muli; tulad ng apat na panahon, sila’y lumilipas upang bumalik muli.

7. Hindi hihigit sa lima ang nota sa musika, datapwat ang kumbinasyon ng limang ito ay nagparami ng melosya kaysa sa naririnig lang natin.

8. Hindi hihit sa lima ang pangunahing kulay (bughaw, dilaw, pula, puti, at itim), datapwat sa kumbinasyon nakalilikha ito ng maraming kulay kaysa nakikita lang natin.

9. Hindi hihigit sa lima ang mahahalagang lasa (maasim, maanghang, maalat, matamis, mapait), datapwat ang kombinasyon ng mga ito ay magdudulot ng mas maraming linamnam kaysa natitikman lang natin.

10. Sa pakikipaglaban, hindi hihigit sa dalawa ng pamamaraan sa pag-atake – ang direkta at ang indirekta; datapwat ang kumbinasyon ng dalawang ito ay magdudulot ng walang katapusang serye ng maniobrahan.

11. Ang direkta at ang indirekta ay tumutungo sa bawat isa sa bawat pagbaling. Ito’y tulad ng paggalaw sa isang bilog – hindi ka matatapos. Sino ang makakasagot sa mga posibilidad ng kombinasyon ng mga ito?

12. Ang pagdaluhong ng mga hukbo ay tulad ng pagragasa ng tubig-baha na kahit mga bato’y tatangayin nito sa pagdaloy.

13. Ang kagalingan ng pasiya ay tulad ng napapanahong pagdagit ng isang lawin na nagbibigay pagkakataon dito upang lusubin at durugin ang kanyang biktima.

14. Kung gayon ang mabuting mandirigma ay nakasisindak sa kanyang pagdaluhong, at maagap sa kanyang pasiya.

15. Ang enerhiya ay maaaring itulad sa pagbaluktot ng busog (ng palaso); ang pasiya, ang pagkalabit sa gatilyo.

16. Sa gitna ng kaguluhan at kaligaligan sa labanan, tila may nakikitang kagusutan datapwat wala talagang gusot; sa gitna ng kaguluhan at kaligaligan, ang iyong hanay ay maaring walang ulo o buntot, datapwat ito’y patunay laban sa pagkatalo.

17. Ang kunwaring kagusutan ay nagpapakita ng perpektong disiplina; ang kunwaring takot ay nagpapakita ng katapangan; ang kunwaring kahinaan ay nagpapakita ng kalakasan.

18. Ang pagtatago ng kaayusan sa ilalim ng kagusutan ay simpleng usapin ng paghati sa mas maliliit na bahagi; ang paglingid sa katapangan sa ilalim ng pagpapakita ng karuwagan ay ipinakakahulugang may pondo ng taglay na enerhiya; ang pagtakip ng kalakasan ng kahinaan ay dapat dulot ng taktikal na kapasyahan.

19. Kaya ang sinumang mahusay sa lituhin ang kaaway ay yaong may daya sa tindig, na ito ang pinagbabatayan ng galaw ng kaaway. Isinasakripisyo niya ang ilan, na maaaring agawain ng kaaway.

20. Sa pamamagitan ng bitag, pinananatili niya itong umaabante; at kasama ang isang pangkat ng tauhan, inaabangan na niya ito.

21. Hinahanap ng mautak na mandirigma ang epekto ng magkasanib na lakas, at di gaanong sumasalalay sa kakayahan ng mga indibidwal. Alalaong baga ang kanyang abilidad na piliin ang tamang tauhan at magamit ang sama-samang lakas.

22. Kapag ginamit niya ang sama-samang lakas, ang kanyang mga tauhang palaban ay nagiging tulad ng mga gumugulong na troso o bato. Dahil ang kalikasan ng troso o bato ay hindi natitinag sa lapat na lupa, at gumalaw kung ito’y nasa libis; kung apatang-sulok, ay huminto ito, ngunit kung pabilog, ay gumulong ito pababa.

23. Kaya ang mga enerhiyang nadebelop ng mahuhusay na palabang tauhan ay nasa buwelo ng bilog na batong gumugulong pababa ng bundok na libong piye ang taas. Marami na ito sa paksa ng enerhiya.

Martes, Setyembre 8, 2009

IV. Taktikal na Kapasyahan


KABANATA IV.
TAKTIKAL NA KAPASYAHAN
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Inuuna ng mga magagaling na mandirigma noon ang kanilang sarili bago ang posibilidad ng pagkatalo, at pagkatapos ay maghihintay ng pagkakataon para matalo ang kaaway.

2. Upang siguruhin ang sarili laban sa pagkatalo ay nakasalalay sa ating mga kamay, ngunit ang pagkakataong matalo ang kaaway ay inihahanda ng mismong kaaway.

3. Kaya ang mahusay na mandirigma ay sinisiguro ang sarili laban sa pagkatalo, ngunit hindi matitiyak ang pagkatalo ng kaaway.

4. Kaya ang kasabihan: Alam ng sinuman kung paano manlupig ng di pa ito nagagawa.

5. Ang kasiguruhan laban sa pagkatalo ay nagpapahiwatig ng depensibong taktika; ang kayayahang talunin ang kaaway ay nangangahulugang pagsasagawa ng opensiba.

6. Ang pagtindig sa depensibo ay nagpapahiwatig ng kakulangan sa lakas; ang paglusob, maraming kalakasan.

7. Ang heneral na magaling sa depensa ay nagtatago sa pinakasekretong liblib na pook; siyang magaling sa paglusob ay sumisibad mula sa tuktok ng kalangitan. Kaya sa isang banda kaya nating protektahan ang ating sarili; sa kabilang banda, isang ganap na tagumpay.

8. Ang makita lang ang tagumpay habang ito’y saklaw ng pananaw ng isang karaniwang pulutong ay hindi tanda ng kahusayan.

9. Hindi rin ito tanda ng kahusayan kung nakipaglaban ka at nakapanlupig at sinabi ng buong Imperyo, “Ang galing!”

10. Ang magbuhat ng buhok sa taglagas ay hindi tanda ng matinding kalakasan; ang makipagtitigan sa araw at buwan ay hindi tanda ng malinaw na mata; ang marinig ang ingay ng kulog ay hindi tanda ng mabilis na tainga.

11. Ang tinatawag sa sinauna na matalinong mandirigma ay hindi lamang yaong nananalo, kundi yaong mahusay manalo ng may kadalian.

12. Kaya ang kanyang mga tagumpay ay hindi nagbibigay sa kanya ng reputasyon sa pagiging matalino o kaya’y kredito sa pagiging matapang.

13. Nananalo siya sa mga labanan ng walang ginagawang paltos. Ang di paggawa ng paltos ang siyang nagtatatag ng kasiguruhan sa tagumpay, dahil nangangahulugan ito na paglupig sa kaaway na talo na.

14. Kaya inilalagay ng mahusay na mandirigma ang kanyang sarili sa posisyon kung saan ang pagkatalo ay imposible, at di nagmimintis sa pagkakataong magapi ang kaaway.

15. Sa gayon, ito’y dahil sa digmaan, ang matagumpay na istratehista’y naghahanap lang ng labanan matapos na matamo ang tagumpay, samantalang siya na nakatalagang matalo ay lumalaban muna at saka lang maghahanap ng tagumpay.

16. Nililinang ng napakahusay na pinuno ang batas moral, at istriktong naninindigan sa pamamaraan at disiplina; sa gayon nasa kanyang kapangyarihan matatanganan ang tagumpay.

17. Bilang paggalang sa pamamaraang militar, mayroon tayong, una, Pagsukat; ikalawa, Pagtantya sa dami; ikatlo, Kalkulasyon; ikaapat, Pagbalanse sa pagkakataon; panglima, Tagumpay.

18. Utang ng Pagsukat ang kanyang pag-iral sa Lupa; ang Pagtantya sa dami sa Pagsukat; ang Kalkusasyon sa Pagtantya sa dami; ang Pagbalanse ng pagkakataon sa Kalkulasyon; at ang Tagumpay sa pagbalanse ng pagkakataon.

19. Ang matagumpay na hukbo na kaiba sa mga natalo, ay isang librang mas mabigat sa timbangan kaysa sa isang butil.

20. Ang pagdagsa ng mapanlupig na pwersa ay tulad ng pagputok ng kinuyom na tubig sa isang siwang na sanlibong piye ang lalim.

Lunes, Setyembre 7, 2009

III. Pagsalakay sa Pamamagitan ng Istratehiya


KABANATA III.
PAGSALAKAY SA PAMAMAGITAN NG ISTRATEHIYA
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Sa praktikal na sining ng digmaan, ang pinakamagandang bagay sa lahat ay kunin ang bayan ng kaaway ng buo at hindi sira; ang buwagin at durugin ito ay hindi mabuti. Kaya, mas mabuting masakote ang buong hukbo kaysa durugin iyon, ang mabihag ang isang rehimente, ang isang destakamento o buong kumpanya kaysa durugin ang mga ito.

2. Kaya ang pakikipaglaban at panlulupig sa lahat ng inyong labanan ay hindi sukdulang kahusayan; ang sukdulang kahusayan ay binubuo ng pagdurog sa tibay ng kaaway ng walang labanan.

3. Kaya ang pinakamataas na anyo ng pagka-heneral ay ang paghadlang sa plano ng kaaway; ang mas mabuting kasunod nito ay ang pagsagka sa pagtatagpo ng mga pwersa ng kaaway; ang sumunod ay ang pag-atake sa hukbo ng kaaway sa pook ng labanan; at ang pinakamasamang patakaran ay ang pagkubkob sa mga muralya ng lungsod.

4. Ang panuntunan dito, huwag kubkubin ang mga muralya ng lungsod kung kaya itong iwasan. Ang paghahanda ng mga balabal, naililipat na silungan, at iba’t ibang kasangkapan sa digmaan, ay magagawa sa loob ng tatlong buong buwan; at kung magtatambak pa ng lupa sa mga dingding ay dagdag na tatlong buwan pa ang itatagal.

5. Pangungunahan ng heneral, na hindi kayang kumontrol sa kanyang pagkayamot, ang kanyang mga tauhan sa pagsalakay tulad ng mga namumutiktik na langgam, na ang resulta ay sangkatlo ng kanyang mga tauhan ang napatay, habang di pa nasakop ang isang bayan. Ang ganito’y ang mapaminsalang epekto ng pagkubkob.

6. Kaya ginagapi ng mahusay na pinuno ang hukbo ng kaaway ng walang anumang labanan; sinasakop niya ang mga lungsod ng hindi naglalatag ng pagkubkob sa kanila; pinatatalsik niya ang mga kaharian nila ng walang matagalang operasyon sa pook ng labanan.

7. Habang buo ang kanyang hukbo, tinutunggali niya ang pangingibabaw ng Imperyo, at kaya, nang walang namamatay sa kanyang tauhan, nagiging ganap ang kanyang tagumpay. Ito ang pamamaraan ng pagsalakay sa pamamagitan ng istratehiya.

8. Isang panuntunan sa digmaan, kung ang ating pwersa’y sampu sa isa ng kaaway, palibutan siya; kung lima sa isa, lusubin siya; kung doble ang dami, hatiin natin ang ating hukbo sa dalawa.

9. Kung magkasukat tayo, maaari tayong maglunsad ng labanan; kung mas kaunti tayo sa bilang, maaari natin silang iwasan; kung sadyang di tayo makapantay sa kanila sa bawat larangan, maaari tayong tumakas sa kanya.

10. Kaya, kung kayang maglunsad ang isang maliit na pwersa ng mainitang labanan, sa dulo’y dapat itong malupig ng mas malaking pwersa.

11. Ngayon ang heneral ang tagapagtanggol ng Estado; kung ang tagapagtanggol ay buo sa lahat ng antas, ang Estado ay magiging malakas; kung ang tagapagtanggol ay dispalinghado, ang Estado ay magiging mahina.

12. May tatlong paraan kung paano nagdadala ng kamalasan ang pinuno sa kanyang hukbo:

13. (1) Sa pag-atas sa hukbo na umabante o umatras, gayong ignorante sa katotohanang di ito makasunod. Ito ang tinatawag na pagsagka sa hukbo.

14. (2) Sa pagtatangkang pamahalaan ang hukbo tulad ng pamamahala sa kaharian, gayong ignorante sa kalagayang tanggap sa hukbo. Ito’y nagdudulot ng pag-aalala sa isipan ng isang kawal.

15. (3) Ang pagkuha sa mga opisyal ng kanyang hukbo ng walang diskriminasyon, bagamat ignorante sa prinsipyong militar na paglapat sa kalagayan. Yumayanig ito sa kumpyansa ng mga sundalo.

16. Ngunit kung ang hukbo balisa at walang tiwala, tiyak na may daratal na gusot mula sa kapwa pyudal na pinuno. Ito’y pagdadala ng anarkiya sa hukbo, at iwinawaksi palayo ang tagumpay.

17. Kaya malalaman nating may limang mahahalaga para magtagumpay:

(1) Mananalo ang sinumang nakakakaalam kung kailan lalaban at kailan hindi.

(2) Mananalo ang sinumang nakakakaalam kung paano pamahalaan ang mga pwersang mahuhusay at di-gaanong mahuhusay.

(3) Mananalo ang sinumang hukbo na may magkakaparehong diwa sa lahat ng ranggo.

(4) Mananalo ang sinumang handa na naghihintay na walang paghahanda ang kaaway.

(5) Mananalo ang sinumang may kapasidad militar at hindi pinakikialaman ng hari o reyna.

18. Kaya may kasabihan: Kung kilala mo ang kaaway at kilala ang sarili, di mo dapat katakutan ang resulta ng sandaang labanan. Kung kilala mo ang sarili ngunit hindi ang kaaway, sa bawat tagumpay na makamit ay magtatamo ka rin ng kabiguan. Kung di mo kilala ang kaaway at ang iyong sarili, susuko ka sa bawat labanan.

Linggo, Setyembre 6, 2009

II. Paglulunsad ng Digmaan


KABANATA II.
PAGLULUNSAD NG DIGMAAN
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Ayon kay Sun Tzu: Sa operasyon ng digmaan, kung saan sa larangan ay may sanlibong mabibilis na karwahe, na kasingraming mabibigat na karwahe, at isandaang libong nakabaluting kawal, na may sapat na panustos na magdadala sa kanila sa isanlibong 1/3 ng isang milya, ang pagkakagastusan sa inuuwian at sa bungad, kasama na ang pag-eestima sa mga bisita, ang mga maliliit na bagay tulad ng pandikit at pampinta, at ang kabuuang halagang ginastos sa mga karwahe at baluti, ay aabot sa kabuuang sanlibong onsa ng pilak bawat araw. Ganyan ang halaga ng pagbubuo ng hukbong may 100,000 katao.

2. Pag nakipagsagupa kayo sa totoong labanan, kung matagal pang dumating ang tagumpay, pupurol ang armas ng mga kawal at mawawalan sila ng sigla. Pag pinagsalikupan nyo ang isang bayan, mauubos ang inyong lakas.

3. Muli, kapag matagalan ang kampanya, ang mga panustos ng Estado ay hindi na sapat para sa pwersa nito.

4. Ngayon, kung mapurol ang inyong mga armas, kayo'y walang sigla, kung naubos ang inyong lakas at nagastos ang inyong yaman, kukunin ng ibang pinuno ang bentahe sa matindi nyong kalagayan. Kung gayon, walang sinuman, gaanuman kapaham, ang makapipigil sa maaaring kahihinatnan nito.

5. Kung gayon, bagamat narinig na natin ang mga kahunghangang padalus-dalos sa digmaan, ang katusuhan ay hindi pa nakitang naiuugnay sa mahabang pagkaantala.

6. Walang yugto sa isang bansa na nakinabang sa matagalang digmaan.

7. Yaon lamang ganap na nakaaalam sa kabuktutan ng digmaan ang ganap na nakakaunawa kung paano ito gagawin sa paraang kapaki-pakinabang.

8. Ang bihasang kawal ay di nagtataas ng ikalawang pagpapataw, di rin binibigatan ng higit sa doble ang kanyang bagon ng mga panustos.

9. Dalhin mo mula sa inyo ang mga gamit-pandigma, ngunit mandambong sa mga kalaban. Kung kaya magkakaroon ng sapat na pagkain ang hukbo para sa pangangailangan nito.

10. Ang kakapusan ng kabang-bayan ng Estado ang dahilan upang ang hukbo’y matustusan sa pamamagitan ng mga ambag mula sa malayo. Ang pag-aambag upang matustusan ang hukbo na nasa malayo ang siyang dahilan upang mamulubi ang mga tao.

11. Sa kabilang banda, ang pagiging malapit ng hukbo ang dahilan ng pagtaas ng mga presyo; at ang kataasan ng presyo ang dahilan upang maubos ang pangangailangan ng mamamayan.

12. Pag naubos na ang kanilang pangangailangan, ang mga magsasaka’y magdurusa sa mabibigat na singil.

13,14. Dahil sa pagkaubos ng pangangailangan at pagkasaid ng lakas, ang mga tahanan ng mamamayan ay mahuhubaran, at tatlumpung bahagdan ng kanilang kinita ay mauubos; habang ang gastos ng pamahalaan sa mga nawasak na karwahe, mga kabayong lamog na; baluti at kalubkob, busog at palaso, sibat at kalasag, pandepensang kapa, balangkas ng mga baka at mabibigat na karwahe, ay nagkakahalaga ng apatnapung bahagdan ng buong kita ng pamahalaan.

15. Kung gayon ipinupunto ng pantas na heneral ang pandarambong sa mga kaaway. Ang isang kariton ng panustos ng kaaway ay katumbas ng dalawampu na pag-aari ng isa, gayundin naman ang isang bulto ng kargadang tumitimbang ng 133.33 libras ng baong pagkain ay katumbas ng dalawampu mula sa kanyang sariling tindahan.

16. Ngayon para mapatay ang kaaway, dapat sumulak sa poot ang ating mga tao; na may bentahe sa pagdurog sa mga kaaway, at kakamtin nila ang kanilang gantimpala.

17. Samakatwid, sa labanang gamit ang karwahe, kung sampu o higit pang karwahe ang nakuha, dapat gantimpalaan kung sino ang unang nakakuha noon. Ang ating mga watawat ay dapat ipalit sa kinalagyan ng kaaway, at ang mga karwahe’y ihalo at gamitin kasama ng sa atin. Ang mga binihag na kawal ay dapat pakitunguhan ng maayos at itago.

18. Tinawag ito, gamit ang nakubkob na kaaway, upang dagdagan ang kanilang lakas

19. Sa digmaan, kung gayon, hayaan nyong ang inyong pinakadakilang layunin ay tagumpay, hindi ang mahahabang pangangampanya.

20. Kaya dapat malaman ng lahat na ang pinuno ng hukbo ang tagapagpasya sa katalagahan ng mamamayan, isang taong inaasahan nila kung ang bansa ba ay magiging payapa o nasa peligro.

Sabado, Setyembre 5, 2009

I. Paglalatag ng Plano


KABANATA I.
PAGLALATAG NG PLANO
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Ang sining ng digma ay napakahalaga sa Estado.

2. Ito’y paksa ng buhay at kamatayan, daan patungo sa kaligtasan o pagkasira. Kaya ito’y isang paksa ng pagsisiyasat na hindi dapat ipagwalang-bahala.

3. Ang sining ng digmaan, kung gayon, ay ginigiya ng limang palagiang salik, na dapat isaalang-alang na mabuti ng bawat isa, sa paghahanap kung paano tatasahin ang mga kalagayang natatamo sa larangan.

4. Ito’y ang mga sumusunod: (1) Ang Batas Moral; (2) Kalangitan; (3) Kalupaan; (4) Pinuno; (5) Pamamaraan at disiplina.

5.6. Ang Batas Moral ang siyang dahilan upang maging ganap ang unawaan ng mamamayan at ng kanilang pinuno, upang sila’y sumunod sa kanya ng hindi alintana ang kanilang buhay, ng hindi natatakot sa anumang panganib.

7. Ipinahihiwatig ng langit ang gabi at araw, ang lamig at init, ang oras at panahon.

8. Ang kalupaan ay binubuo ng agwat, malaki at maliit; panganib at kaligtasan; lantad na lugar o makitid na daanan; ang pagkakataon sa buhay at kamatayan.

9. Ang pinuno ang sagisag ng magagandang katangian ng katalinuhan, katapatan, kabutihang-loob, kabayanihan at pagkaistrikto.

10. Ang pamamaraan at disiplina ay dapat maunawaang ang pagkakaorganisa ng hukbo sa tamang subdibisyon nito, ang pagsasaayos ng ranggo ng mga opisyal, ang pagmimintena ng mga lansangang daanan ng mga panustos para sa hukbo, at pagrenda sa pagkakagastusang pangmilitar.

11. Ang limang ulong ito’y dapat maging pamilyar sa bawat heneral: silang nakakaalam ng mga ito ay magtatagumpay; silang hindi nakakaalam ng mga ito ay mabibigo.

12. Kung kaya, sa iyong pagwawari-wari, sa pagtuklas upang malaman ang kalagayang pangmilitar, gawin natin itong batayan ng pagtutulad, sa mga matalinong tanong na ito:

13. (1) Sino sa dalawang namumuno ang nagtataglay ng batas Moral?
(2) Sino sa dalawang heneral ang mas may abilidad?
(3) Nakanino nakasalalay ang mga bentaheng hinango mula sa Langit at Lupa?
(4) Sa aling panig mas mahigpit na napapatupad ang disiplina?
(5) Aling hukbo ang mas malakas?
(6) Sa aling panig mas may mataas na kasanayan ang mga opisyal at kawal?
(7) Sa aling hukbo ang mas matining ang gantimpala at parusa?

14. Sa pamamagitan ng pitong pagsasaalang-alang na ito makakalkula ko ang tagumpay o kabiguan.

15. Ang heneral na nakikinig sa aking payo at sumunod dito, ang makalulupig: panatilihin siya! Ang heneral na hindi nakikinig sa aking payo o kaya’y di sumusunod, ang siyang malulupig: tanggalin siya!

16. Habang sumusunod sa aking payo, makinabang na kayo sa anumang makatutulong na kalagayan na higit pa o lampas sa mga ordinaryong patakaran.

17. Sa pagbuti ng kalagayan, dapat na baguhin ninuman ang kanilang mga plano.

18. Ang lahat ng digmaan ay nakabatay sa panlalansi.

19. Alalaong baga, kung kayang sumalakay, dapat makitang hindi kaya; sa paggamit ng ating hukbo, ipakitang tayo’y inaktibo; kapag tayo’y nasa malapit, dapat nating paniwalain ang mga kaaway na tayo’y nasa malayo pa; kung tayo’y nasa malayo, dapat nating papaniwalain ang mga kaaway na tayo’y malapit na.

20. Maglagay ng bitag upang akitin ang kaaway. Magkunwaring may gusot, at durugin sila.

21. Kung siya’y ligtas sa lahat ng antas, paghandaan siya. Kung lamang siya sa lakas, iwasan siya.

22. Kung ang iyong kaaway ay mainitin ang ulo, dapat siyang galitin. Magkunwari kang mahina, upang siya’y magyabang.

23. Kapag siya’y maalwan, huwag siyang pagpahingahin. Kung nagkakaisa ang kanyang hukbo, paghiwalayin siya.

24. Salakayin siya kung saan siya walang paghahanda, lumitaw ka sa di niya inaasahan.

25. Ang mga pamamaraang militar na ito, na tutungo sa tagumpay, ay di dapat ibunyag ng mas maaga sa inaasahan.

26. Ngayon ang heneral na nanalo sa labanan ay gumagawa ng maraming kalkulasyon sa kanilang sentro bago ilunsad ang labanan. Ang heneral na natalo sa labanan ay gumawa ng kaunting kalkulasyon lamang. Kung kaya ang maraming kalkulasyon ay tutungo sa tagumpay, at ang kaunting kalkulasyon ay mabibigo: ano pa kaya kung wala nang anumang kalkulasyong isinagawa! Sa pagbibigay-pansin sa ganitong punto, nakikinita ko kung sino ang malamang na manalo o matalo.