Lunes, Setyembre 7, 2009

III. Pagsalakay sa Pamamagitan ng Istratehiya


KABANATA III.
PAGSALAKAY SA PAMAMAGITAN NG ISTRATEHIYA
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Sa praktikal na sining ng digmaan, ang pinakamagandang bagay sa lahat ay kunin ang bayan ng kaaway ng buo at hindi sira; ang buwagin at durugin ito ay hindi mabuti. Kaya, mas mabuting masakote ang buong hukbo kaysa durugin iyon, ang mabihag ang isang rehimente, ang isang destakamento o buong kumpanya kaysa durugin ang mga ito.

2. Kaya ang pakikipaglaban at panlulupig sa lahat ng inyong labanan ay hindi sukdulang kahusayan; ang sukdulang kahusayan ay binubuo ng pagdurog sa tibay ng kaaway ng walang labanan.

3. Kaya ang pinakamataas na anyo ng pagka-heneral ay ang paghadlang sa plano ng kaaway; ang mas mabuting kasunod nito ay ang pagsagka sa pagtatagpo ng mga pwersa ng kaaway; ang sumunod ay ang pag-atake sa hukbo ng kaaway sa pook ng labanan; at ang pinakamasamang patakaran ay ang pagkubkob sa mga muralya ng lungsod.

4. Ang panuntunan dito, huwag kubkubin ang mga muralya ng lungsod kung kaya itong iwasan. Ang paghahanda ng mga balabal, naililipat na silungan, at iba’t ibang kasangkapan sa digmaan, ay magagawa sa loob ng tatlong buong buwan; at kung magtatambak pa ng lupa sa mga dingding ay dagdag na tatlong buwan pa ang itatagal.

5. Pangungunahan ng heneral, na hindi kayang kumontrol sa kanyang pagkayamot, ang kanyang mga tauhan sa pagsalakay tulad ng mga namumutiktik na langgam, na ang resulta ay sangkatlo ng kanyang mga tauhan ang napatay, habang di pa nasakop ang isang bayan. Ang ganito’y ang mapaminsalang epekto ng pagkubkob.

6. Kaya ginagapi ng mahusay na pinuno ang hukbo ng kaaway ng walang anumang labanan; sinasakop niya ang mga lungsod ng hindi naglalatag ng pagkubkob sa kanila; pinatatalsik niya ang mga kaharian nila ng walang matagalang operasyon sa pook ng labanan.

7. Habang buo ang kanyang hukbo, tinutunggali niya ang pangingibabaw ng Imperyo, at kaya, nang walang namamatay sa kanyang tauhan, nagiging ganap ang kanyang tagumpay. Ito ang pamamaraan ng pagsalakay sa pamamagitan ng istratehiya.

8. Isang panuntunan sa digmaan, kung ang ating pwersa’y sampu sa isa ng kaaway, palibutan siya; kung lima sa isa, lusubin siya; kung doble ang dami, hatiin natin ang ating hukbo sa dalawa.

9. Kung magkasukat tayo, maaari tayong maglunsad ng labanan; kung mas kaunti tayo sa bilang, maaari natin silang iwasan; kung sadyang di tayo makapantay sa kanila sa bawat larangan, maaari tayong tumakas sa kanya.

10. Kaya, kung kayang maglunsad ang isang maliit na pwersa ng mainitang labanan, sa dulo’y dapat itong malupig ng mas malaking pwersa.

11. Ngayon ang heneral ang tagapagtanggol ng Estado; kung ang tagapagtanggol ay buo sa lahat ng antas, ang Estado ay magiging malakas; kung ang tagapagtanggol ay dispalinghado, ang Estado ay magiging mahina.

12. May tatlong paraan kung paano nagdadala ng kamalasan ang pinuno sa kanyang hukbo:

13. (1) Sa pag-atas sa hukbo na umabante o umatras, gayong ignorante sa katotohanang di ito makasunod. Ito ang tinatawag na pagsagka sa hukbo.

14. (2) Sa pagtatangkang pamahalaan ang hukbo tulad ng pamamahala sa kaharian, gayong ignorante sa kalagayang tanggap sa hukbo. Ito’y nagdudulot ng pag-aalala sa isipan ng isang kawal.

15. (3) Ang pagkuha sa mga opisyal ng kanyang hukbo ng walang diskriminasyon, bagamat ignorante sa prinsipyong militar na paglapat sa kalagayan. Yumayanig ito sa kumpyansa ng mga sundalo.

16. Ngunit kung ang hukbo balisa at walang tiwala, tiyak na may daratal na gusot mula sa kapwa pyudal na pinuno. Ito’y pagdadala ng anarkiya sa hukbo, at iwinawaksi palayo ang tagumpay.

17. Kaya malalaman nating may limang mahahalaga para magtagumpay:

(1) Mananalo ang sinumang nakakakaalam kung kailan lalaban at kailan hindi.

(2) Mananalo ang sinumang nakakakaalam kung paano pamahalaan ang mga pwersang mahuhusay at di-gaanong mahuhusay.

(3) Mananalo ang sinumang hukbo na may magkakaparehong diwa sa lahat ng ranggo.

(4) Mananalo ang sinumang handa na naghihintay na walang paghahanda ang kaaway.

(5) Mananalo ang sinumang may kapasidad militar at hindi pinakikialaman ng hari o reyna.

18. Kaya may kasabihan: Kung kilala mo ang kaaway at kilala ang sarili, di mo dapat katakutan ang resulta ng sandaang labanan. Kung kilala mo ang sarili ngunit hindi ang kaaway, sa bawat tagumpay na makamit ay magtatamo ka rin ng kabiguan. Kung di mo kilala ang kaaway at ang iyong sarili, susuko ka sa bawat labanan.

Walang komento: