Miyerkules, Setyembre 9, 2009

V. Enerhiya


KABANATA V.
ENERHIYA
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Sinabi ni Sun Tzu: Ang pangangasiwa ng malaking pwersa ay tulad din ng prinsipyo ng pangangasiwa ng kaunting tao: ito’y usapin lamang ng paghahati ng kanilang bilang.

2. Ang pakikipaglaban dala ang malaki mong hukbong pinamumunuan ay ni hindi naiiba sa pakikipaglaban dala ang maliit lang: ito’y usapin lamang ng pagpapagana ng sagisag at senyales.

3. Para matiyak na ang iyong buong pulutong ay makatatagal sa bigat ng pag-atake ng kaway at nanatiling hindi nayayanig – ito’y dahil sa direkta at hindi direktang maniobra.

4. Na ang epekto ng iyong hukbo ay tulad ng bato ng mulihon o kamanga na ibinangga sa itlog – ito’y dahil sa agham ng mahina at malakas na katangian.

5. Sa lahat ng labanan, ang direktang pamamaraan ay maaaring gamitin sa paglahok sa digmaan, ngunit ang indirektang pamamaraan ay kinakailangan upang tiyakin ang tagumpay.

6. Ang mga taktikang indirekta, na mahusay na ginamit, ay di masasagad tulad ng Langit at Lupa, walang katapusan tulad ng agos ng mga ilog at batis; tulad ng araw at buwan, sila’y nawawala upang magsimula muli; tulad ng apat na panahon, sila’y lumilipas upang bumalik muli.

7. Hindi hihigit sa lima ang nota sa musika, datapwat ang kumbinasyon ng limang ito ay nagparami ng melosya kaysa sa naririnig lang natin.

8. Hindi hihit sa lima ang pangunahing kulay (bughaw, dilaw, pula, puti, at itim), datapwat sa kumbinasyon nakalilikha ito ng maraming kulay kaysa nakikita lang natin.

9. Hindi hihigit sa lima ang mahahalagang lasa (maasim, maanghang, maalat, matamis, mapait), datapwat ang kombinasyon ng mga ito ay magdudulot ng mas maraming linamnam kaysa natitikman lang natin.

10. Sa pakikipaglaban, hindi hihigit sa dalawa ng pamamaraan sa pag-atake – ang direkta at ang indirekta; datapwat ang kumbinasyon ng dalawang ito ay magdudulot ng walang katapusang serye ng maniobrahan.

11. Ang direkta at ang indirekta ay tumutungo sa bawat isa sa bawat pagbaling. Ito’y tulad ng paggalaw sa isang bilog – hindi ka matatapos. Sino ang makakasagot sa mga posibilidad ng kombinasyon ng mga ito?

12. Ang pagdaluhong ng mga hukbo ay tulad ng pagragasa ng tubig-baha na kahit mga bato’y tatangayin nito sa pagdaloy.

13. Ang kagalingan ng pasiya ay tulad ng napapanahong pagdagit ng isang lawin na nagbibigay pagkakataon dito upang lusubin at durugin ang kanyang biktima.

14. Kung gayon ang mabuting mandirigma ay nakasisindak sa kanyang pagdaluhong, at maagap sa kanyang pasiya.

15. Ang enerhiya ay maaaring itulad sa pagbaluktot ng busog (ng palaso); ang pasiya, ang pagkalabit sa gatilyo.

16. Sa gitna ng kaguluhan at kaligaligan sa labanan, tila may nakikitang kagusutan datapwat wala talagang gusot; sa gitna ng kaguluhan at kaligaligan, ang iyong hanay ay maaring walang ulo o buntot, datapwat ito’y patunay laban sa pagkatalo.

17. Ang kunwaring kagusutan ay nagpapakita ng perpektong disiplina; ang kunwaring takot ay nagpapakita ng katapangan; ang kunwaring kahinaan ay nagpapakita ng kalakasan.

18. Ang pagtatago ng kaayusan sa ilalim ng kagusutan ay simpleng usapin ng paghati sa mas maliliit na bahagi; ang paglingid sa katapangan sa ilalim ng pagpapakita ng karuwagan ay ipinakakahulugang may pondo ng taglay na enerhiya; ang pagtakip ng kalakasan ng kahinaan ay dapat dulot ng taktikal na kapasyahan.

19. Kaya ang sinumang mahusay sa lituhin ang kaaway ay yaong may daya sa tindig, na ito ang pinagbabatayan ng galaw ng kaaway. Isinasakripisyo niya ang ilan, na maaaring agawain ng kaaway.

20. Sa pamamagitan ng bitag, pinananatili niya itong umaabante; at kasama ang isang pangkat ng tauhan, inaabangan na niya ito.

21. Hinahanap ng mautak na mandirigma ang epekto ng magkasanib na lakas, at di gaanong sumasalalay sa kakayahan ng mga indibidwal. Alalaong baga ang kanyang abilidad na piliin ang tamang tauhan at magamit ang sama-samang lakas.

22. Kapag ginamit niya ang sama-samang lakas, ang kanyang mga tauhang palaban ay nagiging tulad ng mga gumugulong na troso o bato. Dahil ang kalikasan ng troso o bato ay hindi natitinag sa lapat na lupa, at gumalaw kung ito’y nasa libis; kung apatang-sulok, ay huminto ito, ngunit kung pabilog, ay gumulong ito pababa.

23. Kaya ang mga enerhiyang nadebelop ng mahuhusay na palabang tauhan ay nasa buwelo ng bilog na batong gumugulong pababa ng bundok na libong piye ang taas. Marami na ito sa paksa ng enerhiya.

Walang komento: