Linggo, Setyembre 6, 2009

II. Paglulunsad ng Digmaan


KABANATA II.
PAGLULUNSAD NG DIGMAAN
isinalin ni Gregorio V. Bituin Jr.

1. Ayon kay Sun Tzu: Sa operasyon ng digmaan, kung saan sa larangan ay may sanlibong mabibilis na karwahe, na kasingraming mabibigat na karwahe, at isandaang libong nakabaluting kawal, na may sapat na panustos na magdadala sa kanila sa isanlibong 1/3 ng isang milya, ang pagkakagastusan sa inuuwian at sa bungad, kasama na ang pag-eestima sa mga bisita, ang mga maliliit na bagay tulad ng pandikit at pampinta, at ang kabuuang halagang ginastos sa mga karwahe at baluti, ay aabot sa kabuuang sanlibong onsa ng pilak bawat araw. Ganyan ang halaga ng pagbubuo ng hukbong may 100,000 katao.

2. Pag nakipagsagupa kayo sa totoong labanan, kung matagal pang dumating ang tagumpay, pupurol ang armas ng mga kawal at mawawalan sila ng sigla. Pag pinagsalikupan nyo ang isang bayan, mauubos ang inyong lakas.

3. Muli, kapag matagalan ang kampanya, ang mga panustos ng Estado ay hindi na sapat para sa pwersa nito.

4. Ngayon, kung mapurol ang inyong mga armas, kayo'y walang sigla, kung naubos ang inyong lakas at nagastos ang inyong yaman, kukunin ng ibang pinuno ang bentahe sa matindi nyong kalagayan. Kung gayon, walang sinuman, gaanuman kapaham, ang makapipigil sa maaaring kahihinatnan nito.

5. Kung gayon, bagamat narinig na natin ang mga kahunghangang padalus-dalos sa digmaan, ang katusuhan ay hindi pa nakitang naiuugnay sa mahabang pagkaantala.

6. Walang yugto sa isang bansa na nakinabang sa matagalang digmaan.

7. Yaon lamang ganap na nakaaalam sa kabuktutan ng digmaan ang ganap na nakakaunawa kung paano ito gagawin sa paraang kapaki-pakinabang.

8. Ang bihasang kawal ay di nagtataas ng ikalawang pagpapataw, di rin binibigatan ng higit sa doble ang kanyang bagon ng mga panustos.

9. Dalhin mo mula sa inyo ang mga gamit-pandigma, ngunit mandambong sa mga kalaban. Kung kaya magkakaroon ng sapat na pagkain ang hukbo para sa pangangailangan nito.

10. Ang kakapusan ng kabang-bayan ng Estado ang dahilan upang ang hukbo’y matustusan sa pamamagitan ng mga ambag mula sa malayo. Ang pag-aambag upang matustusan ang hukbo na nasa malayo ang siyang dahilan upang mamulubi ang mga tao.

11. Sa kabilang banda, ang pagiging malapit ng hukbo ang dahilan ng pagtaas ng mga presyo; at ang kataasan ng presyo ang dahilan upang maubos ang pangangailangan ng mamamayan.

12. Pag naubos na ang kanilang pangangailangan, ang mga magsasaka’y magdurusa sa mabibigat na singil.

13,14. Dahil sa pagkaubos ng pangangailangan at pagkasaid ng lakas, ang mga tahanan ng mamamayan ay mahuhubaran, at tatlumpung bahagdan ng kanilang kinita ay mauubos; habang ang gastos ng pamahalaan sa mga nawasak na karwahe, mga kabayong lamog na; baluti at kalubkob, busog at palaso, sibat at kalasag, pandepensang kapa, balangkas ng mga baka at mabibigat na karwahe, ay nagkakahalaga ng apatnapung bahagdan ng buong kita ng pamahalaan.

15. Kung gayon ipinupunto ng pantas na heneral ang pandarambong sa mga kaaway. Ang isang kariton ng panustos ng kaaway ay katumbas ng dalawampu na pag-aari ng isa, gayundin naman ang isang bulto ng kargadang tumitimbang ng 133.33 libras ng baong pagkain ay katumbas ng dalawampu mula sa kanyang sariling tindahan.

16. Ngayon para mapatay ang kaaway, dapat sumulak sa poot ang ating mga tao; na may bentahe sa pagdurog sa mga kaaway, at kakamtin nila ang kanilang gantimpala.

17. Samakatwid, sa labanang gamit ang karwahe, kung sampu o higit pang karwahe ang nakuha, dapat gantimpalaan kung sino ang unang nakakuha noon. Ang ating mga watawat ay dapat ipalit sa kinalagyan ng kaaway, at ang mga karwahe’y ihalo at gamitin kasama ng sa atin. Ang mga binihag na kawal ay dapat pakitunguhan ng maayos at itago.

18. Tinawag ito, gamit ang nakubkob na kaaway, upang dagdagan ang kanilang lakas

19. Sa digmaan, kung gayon, hayaan nyong ang inyong pinakadakilang layunin ay tagumpay, hindi ang mahahabang pangangampanya.

20. Kaya dapat malaman ng lahat na ang pinuno ng hukbo ang tagapagpasya sa katalagahan ng mamamayan, isang taong inaasahan nila kung ang bansa ba ay magiging payapa o nasa peligro.

Walang komento: